Alab ng Pakikilaban, Puyos sa Kaapihan
Alab ng Pakikilaban, Puyos sa Kaapihan
ni Jean Enriquez
(Iniangkop ng PETA para sa “fire dance” na itinanghal nuong Marso 1, 2010)
Daan-tanong nagmamartsa ang babae sa sanlibutan
Naglalakad
Tumatakbo
Kumakandirit
Lumalangoy
Lumilipad
Babae sa sanlibutan
Migrante, magbubukid, mag-aaral at kabataan
Kababaihan
Sigaw ay pag-aaklas laban sa ibayong kaapihan
Ang kababaihan ay hindi mga parausan!
Cigarilleras ang nanguna sa Lupang Hinirang
Panawagan ay makataong lagay sa pagawaan
Itinuloy nina Trining Tecson at Agueda Kahabagan
Nina Teresa Magbanua ng pambansang himagsikan.
Patuloy na lumalaban sa kasalukuyang kaayusan
Sa makauri at patriyarkal na lipunan
Hustisya sa mga kabarong ginahasa ng dayuhan
Patalsikin, mga negosyong kumubkob sa kalikasan.
Di kami patatalo sa seksismo at imperyalismo
Di pagugupo sa karahasang kinanlong ni Arroyo
Kababaihang nagmamartsa’y di aasa sa pulitiko
Nasa ating mga kamay ang tunay na pagbabago!


